Gabi-gabi’y sumisilay sa mga tala
Sinisilip nakakubli nitong hiwaga
Kinang nito’y tumatagos sa’king mga mata
Kalumbayan ng puso’y pinalitan ng saya.
Laman lagi ng aking gunita
Marikit na talang minumutya
Sa bawat yapak ng aking paa
Ito lagi ang siyang nagdidikta.
Malugod maglakbay pag tuwina’y kasama
Talang tanglaw sa buhay na puno ng dusa
Talang hatid ay pakpak ng makalipad pa
Tahakin ang laang landas ng buong kaya.
Sa gabing nakatanaw sa kalangitan
Talang minimithi’y gusto ng hawakan
Mahirap man, malabo man
Aabutin ko anuman ang kailangan.